This is the Epilogue of one of my stories, "SEarchlight", it's in Filipino so all foreign friends out there, if you want the translated version, just comment and request and i'll make you one. this is a love story... if you want the whole story, just send me an email or post in on the comments so i'd see.. okay???
Ang lahat ay tila natutunaw sa iyong mga tingin, at ang mga bagay na kinatatakutan ko, ngayo’y tila mga simpleng bato na lang sa aking daraanan. Sa isang gabing nagtatago ang buwan sa likod ng maiitim na ulap, bigla kang lumapag, aking anghel, isang pamilyar na pigura subalit tila rin walang tunay na pangalan. Sa unang tingi’y isa ka lang simpleng liwanag, walang kahit ano, isa lang maliit na liwanag, ngunit sa aking pagtitig, unti-unti kong naramdamang isa ka ring apoy, isang init sa gitna ng lamig ng tila namamatay kong espirito. Inisip kong ika’y maglalaho, o marahil, kung hindi ma’y unti-unti ka ring lalamunin ng dilim, at magiging bahagi ka ng kawalang hindi ko matakasan. Hanggang sa hindi ko na ito mapigilan, ang lumapit sa liwanag mo at magpabayang ako’y iyong dalhin mo sa isang lugar na tanging mga may pakpak lang ang may karapatang pumunta. Marahil, hindi ko talaga nagawang tumakas, at hindi mo rin ako tinulungang tumakas, sa halip ako’y tinulungan mong lumaban, ang tuluyang gapiin ang isang kawalang sumasakal sa aking paghinga, at wala man lang akong magawa kundi ang bumulong ng ilang pasasalamat...
Isa ba itong kahinaan? Ang pabayaan na lang ang aking sarili na sumuko sa iyo? Marahil. Isang pagsuko ng tanging bagay na maibibigay ko sa’yo... Isang pagtanggal ng maskarang kay tagal ko ring ginamit... Tama. Isa itong pagsuko. Aanhin ko pa ba ang lumaban, para saan pang dahilan? Ang mga pakpak na alay mo’y hindi ko matatanggihan, at kung sakali mang matunaw na ang mga pakpak ng mga anghel, mananatili kang malakas na hangin, mananatili tayo sa kalangitan...
Isa ka rin sigurong salamangkero. Sa gitna ng mga problemang aking hinaharap, tila kay gaan pa rin ng loob ko... ano pa ba ito, kundi isang salamangka?
Ang lahat ng kwento’y may katapusan, ngunit wala akong kinatatakutan. Ang buhay na ito, ang kwento ng buhay nating dalawa, ay hinihiling rin ng iba, subalit inaabot sila ng habangbuhay sa paghahanap lang nito. Kay palad ko, sapagkat sa buhay na ito’y naranasan ko ang pinapanaginip lang ng iba, ano bang dapat hilingin pa? Marahil, isa na lang... ang sa susunod na buhay ko, at sa ilang susunod pa’y ikaw ay manatiling bahagi. Kay ramot ko sapagkat nais kong ipagkait sa iba ang pag-ibig mo, pero ito ang totoo, at ito na lang ang sigaw ng puso ko... kung sakaling sa susunod na buhay nating dalawa’y ipinasyang hindi tayo itatadhana sa isa’t-isa, ako naman ang maghahanap, gaya ng paghahanap mo nang ako’y tila ba nawawala, ako naman ang maghahanap sa’yo... nais kong maging isang liwanag na maghahanap sa’yo...
No comments:
Post a Comment